--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinawi ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang pangamba ng mga mamamayan hinggil sa African Swine Fever (ASF) dahil wala pang naitalang kaso nito sa Cagayan Valley o iba pang bahagi ng bansa.

Ito ay sa gitna ng pagkaalarma ng DA at Food and Drugs Administration (FDA) sa pagkapuslit ng ilang canned goods tulad ng maling mula sa China na dala ng isang Overseas Filipino Worker (Ofw).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania,
Regional Technical Director for Operations and Extension ng DA region 2, sinabi niya na malaking dagok sa mga magsasaka at sa mga nasa pork industry kapag nakapasok sa bansa ang ASF kaya’t mahigpit ang ginagawa nilang pagbabantay sa mga checkpoint sa Sta Fe at Kayapa, Nueva Vizcaya at Maddela, Quirino.

Ito ay upang matiyak na lahat ng mga pumapasok na karne sa rehiyon ay may papeles at ligtas sa ASF.

--Ads--

Dagdag pa niya na gumagawa ng hakbang ang DA para matiyak na hindi makapasok sa bansa ang mga produktong karne mula sa mga bansang apektado ng ASF tulad ng China, Russia, Mongolia at Vietnam.

Bagamat hindi nakakahawa ang ASF sa tao ay nangangamba pa rin ang DA na ang pinaghugasan ng plato na pinagkainan ng produktong karne na may ASF ay maihahalo sa tubig na maaaring mainom ng baboy at mahawaan ng sakit.

Ang tinig ni Dr. Roberto Busania