--Ads--

CAUAYAN CITY – Hinihintay umano ng 90% ng mga halal na kongresista ang ihahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na susuportahang kandidato sa House Speakership.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Congressman-elect Antonio “TonyPet” Albano ng 1st District ng Isabela na susuportahan nila ang sinumang ieendorso ni Pangulong Duterte dahil mahirap kung magagalit sila sa kanila dahil wala silang maiuuwing pondo para sa kanilang mga constituents.

Inamin ni Albano na sinusuyo sila ng mga kandidato sa Speakership ngunit walang alok sa kanila na pera na 500,000 pesos o 1 million pesos.

Napagkasunduan nilang anim na district congressmen sa Isabela at dalawang partylist representative na kahit magkakaiba ang kanilang partido ay magkakaisa sila sa kanilang pagboto kahit walang ieendorso ang Pangulo.

--Ads--
Tinig ni Congressman-elect Tonypet Albano

Natural aniya na suyuin sila ng mga kandidato sa pamamagitan ng pag-imbita sa dinner o meeting.

Ang unang nag-imbita sa kanila ay si dating Foreign Secretary Allan Peter Cayetano na nahalal na congressman ng Taguig City.

Inilahad niya sa kanila ang kanyang mga gagawin sakaling mapili na House Speaker.
Maging si Congressman Lord Allan Velasco ay nakipagpulong sa mga partylist representative at inilahad ang kanyang mga plataporma.

Si Kinatawan Pantaleon Alvarez ay nakipagpulong din sa kanila noong nag-imbita ng dinner si Senador Koko Pimentel.

Ang hindi pa nakipagpulong sa kanila ay si Congresswoman-elect Loren Legarda kaya hindi nila alam kung seryoso siya sa pagtakbo sa pagka-House Speaker.

Ayon kay Albano, nakakahiya ang pagbili ng boto kaya nakatitiyak siyang hindi ito gagawin ng mga nagnanais na maging House Speaker.

Sinabi niya na kaya sila nakikipag-usap sa mga kandidato ay nais nilang i-bargain sa kanila na magkaroon ng committee membership dahil malabo na magkaroon sila ng committee chairmanship dahil sila ay baguhan sa kamara.

Sakali man aniyang may suhol ay napag-usapan nilang Isabela Solid 8 na hindi tatanggapin.

Sinabi pa ni Albano na puntirya niyang maging kasapi ng Committee on Agriculture para maisulong ang mga proyekto para sa kapakanan ng mga magsasaka sa Isabela.

Hindi nila ito ipagpapalit sa kalahating milyong piso o kahit limang milyong piso na pagbili ng boto sa mga proyekto na pakikinabang ng mga magsasaka