--Ads--

CAUAYAN CITY – Sa halip na demolisyon ay tinulungan pa ng pamahalaan na mailipat sa relocation site ang bahay ng mga illegal setllers na pinaaalis sa tabi ng ginagawang Ilagan-Divilacan Road Rehabilitation project sa Sitio Laguis, Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela.

Ito ay matapos na magsagawa ng negosasyon ang mga residente ng nasabing lugar at mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.

Itinakda kahapon ang demolisyon ng mga Provincial Environment and Natural Resources (PENRO) sa kabila ng pag-angal ng mga residente sa nasabing lugar kasama umano ang ilang progresibong grupo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Environment and Natural Resources Officer (ENRO) Geronimo Cabaccan na matapos ang negosasyon ay nagkasundo silang hindi na gigibain nang buo ang mga bahay kundi ililipat na lang sa relocation site gamit ang mga truck.

--Ads--

Layunin nito na agad na may matitirhan ang mga lumipat na pamilya.

Inaasahang magtatayo ang Provincial Social Welfare and Development (PSWD) ng mga core shelter sa relocation site upang magkaroon ng mas magandang lilipatan ang mga pamilya.

Sinabi ni ENRO Cabaccan na nakiusap din ang mga residente na patuloy silang magtanim sa kanilang sinasaka.

Napagkasunduan din gawing agro-forestry ang ilang bahagi ng kanilang lupa na ang ilan ay nasa bahagi ay reforestation area.

Maghahanap naman ng lupain ang ENRO sa labas ang protected area na maaaring ipamahagi sa mga lumipat na pamilya.

Tiniyak din niya na may ibibigay na agarang tulong ang PSWD sa para sa pangangailangan ng mga lumipat.

Inihayag pa ni Ginoong Cabaccan na prayoridad nila sa relocation site ang 23 na pamilya.

Ipinatupad ng pamahalaang panlalawigan ang paglilipat sa mga illegal settlers sa Sindon Bayabo matapos umano ang mga naganap na kaingin at pagsunog sa mga kahoy sa reforestion area gayundin ang pagdami ng mga naninirahan sa naturang lugar na isang forest protected area.

Umaasa naman ang mga mamamayan na papayagan pa rin sila ng pamahalaang panlalawigan na taniman ang kanilang mga sinasakang lupa sa nasabing barangay.