CAUAYAN CITY – Madamdamin ang paghahatid sa huling hantungan kaninang umaga sa bangkay ng Ofw na napatay sa Kuwait na si Maria Constancia “Nene” Dayag.
Dakong alas siyete kaninang umaga nang dalhin ang kanyang mga labi sa St. Vincent Ferrer Parish Church sa Angadanan at pagkatapos ng misa na pinangunahan ni Fr. Ross Martinez ay dinala na sa public cemetery ang kanyang bangkay.
Si Labor Secretary Silvestre Bello III ay nakahabol sa public cemetery at sumama sa pamilya Dayag sa kanilang pag-uwi sa kanilang bahay sa Dalenat, Angadanan, Isabela.
Kinausap ng kalihim ang mga anak at biyenan ni Dayag.
Kasama ni Kalihim Bello si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.
Kabilang pa sa mga dumalo sa libing ang Migrante Isabela sa pangunguna ng chairperson Kris Pacis.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pacis, sinabi niya na sinusubaybayan nila ang pag-usad ng kaso ng pagkamatay ni Dayag sa Kuwait.
Kahit aniya may bilateral agreement ang dalawang bansa ay walang katiyakan na lahat ng mga Ofw ay napapangalagaan ang kanilang seguridad.’
Aniya, nais nila na wakasan nang pamahalaan ang labor export program para wala nang Pilipino na mabiktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato na tulad ni Dayag.
Sinabi ni Pacis na natanggap nila ang impormasyon sa pagkamatay din sa Kuwait ng dalawa pang Ofw sa Isabela.
Handa aniyang tumulong ang Migrante Isabela sa pamilya Dayag para ipaglaban ang hustisya sa pagkamatay ng Ofw.
Samantala, nagkaroon ng pagtatalo ang anak at kapatid ni Dayag bago ilibing ang kanyang bangkay.
Ito ay matapos tanggihan ng anak ni Dayag na si Lovely Jane ang nais ng kanyang tita na si Violy Cagabi na bago ilagay sa puntod ay buksan nila ang kabaong para makita nila kung ang bangkay na pinaglamayan nila ng ilang araw ay ang kanyang kapatid.
Nakaselyo ang kabaong ni Constancia Dayag dahil nasa state of decomposition na.
Unang sinabi ni Lovely Jane na nangingitim at hindi na makilala ang mukha ng kanyang nanay nang idating ito mula sa Kuwait.
WITH REPORTS OF BOMBO MARIEL GOMEZ