--Ads--

CAUAYAN CITY – Umaasa ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela na ibayong uunlad ang ekonomiya ng mga bayan ng San Guillermo at Angadanan matapos na buksan na kahapon ang 458 million Mega Pigalo bridge.

Ang inagurasyon ng tulay ay pinangunahan ni kalihim Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama sina Regional Director Melanio Briosos, mga opisyal ng DPWH sa Isabela, mga pinunong lokal ng LGU Angadanan at San Guillermo.

Dumalo rin sa inagurasyon ng tulay sina Governor Faustino “Bojie” Dy III, congressman elect-Ian Paul Dy at Anac-IP partylist Rep. Jose Panganiban.

Bukod sa mga mamamayan sa Angadanan, Isabela, ang 450 meters na Mega Pigalo Bridge ay dinadaanan din ng mga mamamayan mula sa bayan ng San Guillermo na may malaking produksiyon ng pinya.

--Ads--

Magugunita na noong taong 2011 ay napinsala ang Pigalo overflow bridge dahil sa bagyong Pedring at Quiel kaya maraming taon na nagtiis ang mga mamamayan sa kanilang paglalakbay patungo sa kabayanan at mga magsasaka sa paglabas ng kanilang mga ani para ibenta sa bayan.

Taong 2017 nang sinimulan ang paggawa sa tulay at ganap na natapos noong Abril 2019 ngunit naantala ang inugurasyon nito dahil sa sinunod na protocol ng DPWH region 2.

Sa naging pahayag ni Kalihim Mark Villar sa inagurasyon ng tulay, sinabi niya na natutuwa siya dahil natapos na ang Pigalo bridge na malaking tulong sa mga mamamayan sa dalawang bayan.

Aniya, bunga ito ng Build Build Build Program ng administrasyong Duterte.

Pinuri rin ng kalihim ang mga proyekto sa Isabela tulad ng mga ginagawang coastal roads, road widening at mga bagong tulay.

Tiniyak niya na marami pang infrastracture project sa Isabela ang maisasakatuparan bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.

Ang tinig ni DPWH Secretary Mark Villar

Samantala, ini-lobby ng pamahalaang panlalawigan kay Kalihim Villar ang paglalaan ng pondo para mapalitan ang ilan pang overflow bridges sa Isabela na hindi nadadaanan kapag umapaw ang tubig sa Cagayan River lalo na kung may malakas na bagyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gov. Dy na ilan sa kanyang ini-lobby kay Kalihim Villar ang Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City, Annafunan, Echague at sa ilang bayan sa Northern Isabela.

Ayon kay Gov. Dy, hindi na overflow bridge ang itatayo sa barangay Alicaocao, Cauayan City kundi magtatayo na ng tulay sa barangay Tagaran na dinisenyo ng DPWH region 2.

Nakita aniya ni Kalihim Villar ang pangangailangan ng mga tulay sa Isabela kaya’t nangako siya na bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay matutugunan ang mga proyekto.

Dahil dito puspusan aniya ang gagawin nilang pagfollow-up sa mga proyekto sa pag-asang mabibigyan ng katuparan ang mga ito bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.

Ang tinig ni Gov. Bojie Dy