CAUAYAN CITY– Nagsagawa ng pagsalakay ang magkasanib na puwersa ng NBI , Police Regional Office 2 , Securities and Exchange Commission, National Intelligence Coordinating Agency region 2 at Nueva Vizcaya Police Provincial Office sa tanggapan ng KAPA Community Ministry International Incorporated sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Gelacio Bongat, Regional Director ng NBI region 2 na kaninang hapon isinilbi ang 2 search warrant dahil sa paglabag sa Securities Regulation Code.
Sinabi ni Atty. Bongat na maaring nakatunog ang mga empleyado ng KAPA kaya walang nadatnan ang mga otoridad nang isilbi ang search warrant.
Sinamsam ng mga otoridad ang mga ginagamit na operasyon ng KAPA tulad ng computer at iba pang dookumento ng KAPA.
Nakapag-recruit na ng libo libong miyembro mula sa iba’t ibang lugar sa region 2 at mga kalapit na lalawigan ang KAPA makaraang magsimula ang operasyon noong Pebrero, 2019.
Ayon pa sa nakuha nilang impormasyon sa mga kalapit na tanggapan ng KAPA, araw araw ay mahaba ang pila ng mga mamamayan na galling sa iba’t ibang lugar sa pagnanais na mag-invest sa KAPA.





