CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng programa ang iba’t bang pamahalaang lokal sa Isabela bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-121 na Araw ng Kasarilan ng Pilipinas.
Dito sa Cauayan City ay pinangunahan ng mga lokal na opisyal ang pagtaas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal kaninang alas sais ng umaga.
Dinaluhan din ito ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) Cauayan City, Cauayan City Police Station at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Binigyan din ng pagkilala ng pamahalaang lunsod ang ilang centenarian sa Cauayan City.
Nagsagawa rin ng programa ang mga LGU sa Lunsod ng Ilagan, Lunsod ng Santiago, San Mateo, at iba pang mga bayan sa Isabela.
Samantala, hiniling ng Provincial Tourism Officer ng Isabela na isa ring local historian sa mga mamamayan lalo na ang mga kabataan na pahalagahan at pangalagaan ang ginawang kabayanihan ng ating mga ninuno na siyang dahilan ng kalayaan na tinatamasa ngayon ng ating bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, provincial tourism officer, sinabi niya na dapat maimulat sa mga kabataan na mahalaga ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Aniya, ang kalayaang tinatamasa ng Pilipinas ngayon ay bunga ng naging pag-aaklas at isinagawang rebolusyon ng ating mga ninuno noong panahon ng pananakop ng mga Kastila at Amerikano.
Kabilang sa mga ito ang Lakandula revolt, Dagohoy Revolt sa Bohol at marami pang iba.
Ito aniya ang naging daan para magsama-sama ang mga pinuno sa iba’t ibang isla ng Pilipinas upang magkaroon ng isang lider para makamit ang kalayaan noong Hunyo 12, 1898.
Dagdag pa ni Dr. Miano, dapat ipakita ng mga kabataan ang kanilang malasakit sa Araw ng Kalayaan ng bansa dahil kung makikita ng ibang mga bansa na pinapahalagahan natin ang ating kalayaan ay hindi nila iisipin na madali lang na masakop ang Pilipinas.