--Ads--

CAUAYAN CITY – Personal na galit ang isa sa mga iniimbestigahang anggulo ng Luna Police Station sa pamamaril sa San Isidro, Luna, Isabela sa sinasakyang Starex van ng Barangay Kapitan at Barangay Treasurer ng Binarsang, Reina Mercedes, Isabela.

Ang mga nakaligtas sa pamamaril ay sina Barangay Kapitan Marlon Manuel, 39 anyos, may-asawa at Barangay Treasurer Darwin Caronan, 36 anyos, may-asawa, kapwa residente ng Binarsang, Reina Mercedes, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt Jonathan Binayug, hepe ng Luna Police Station na binabagtas ng mga biktima, sakay ng Starex van ang daan na nasasakupan ng San Isidro, Luna nang biglang sumulpot ang dalawang suspek mula sa talahiban at sila ay pinaputukan.

Ayon kay PCpt. Binayug, nakipag-ugnayan sila sa pamunuan ng Reina Mercedes Police Station para malutas ang kaso ng pamamaril sa van na sinasakyan ng dalawang opisyal ng barangay.

--Ads--

Aniya, may sinusundan na silang gabay ngunit ayaw muna niyang magbigay ng detalye para hindi maapektuhan ang kanilang pagsisiyasat.

Caliber 45 ang ginamit na baril ng mga pinaghihinalaan batay sa mga basyong nakuha ng Scene of the Crime Operatives (Soco).

Wala umanong balak na patayin ng mga suspek si kapitan Manuel kundi tatakutin lang dahil sa baba ng sasakyan ang tama ng mga bala.

Ang tinig ni PCpt. Jonathan Binayug