CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code ang isang senior citizen na magsasaka na nakumpiskahan ng mga baril at maraming bala dakong 11:20 kagabi sa Calanigan Norte, Sto Tomas, Isabela.
Ang inaresto ay si Nelson Asirit, 66 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng nasabing barangay.
Nakatanggap ng tawag ang Sto. Tomas Police Station mula sa isang concerned citizen para ipabatid ang pagpapaputok ng baril ni Asirit sa harap ng kanilang bahay.
Sa pagtugon ng Sto. Tomas Police Station sa pangunguna ni PSSgt Ronel Valeros ay
nadatnan nila ang suspek na nagwawala.
Nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang U.S. Carbine na may 42 bala, isang short at dalawang long magazine; isang Calibre 45 na may tatlong magazine at 20 bala.
Dinala sa Santo Tomas Police Station si Asirit kasama ang mga baril para sa masusing imbestigasyon.