CAUAYAN CITY – Nakahanda ang pamahaalang panlalawigan ng Isabela at pamahalaang lunsod ng Ilagan na magbigay ng tulong sa mga magsasaka ng tabako mula Sta. Isabel Sur at Sta Isabel Norte, City of Ilagan.
Sa isinagawang dayalogo sa pagitan ng mga miyembro ng Tobacco Farmers Cooperative Association sa Lunsod ng Ilagan at pamahalaang panlalawigan ay malayang inihayag ng mga magsasaka ng tabako ang kanilang saloobin dahil hindi pa naibibigay sa kanila ang kanilang kapakinabangan mula sa tobacco excise tax.
Umangal ang mga nagtatanim ng tabako sa naging pahayag ni Ilagan City General Services Officer Ricky Lagui na noong 2018 ay maraming magsasaka ng tabako ang nakatanggap ng kapakinabangan.
Ang para sa 2019 ay hindi pa niya matiyak kung kailan maibibigay.
Iginiit ng mga nagtatanim ng tabako wala silang natanggap na benepisyo.
Sinabi pa nila na noong napinsala ang kanilang mga tanim na mais sa pagtama ng bagyong Ompong ay halos wala silang natanggap na tulong.
Sinabi naman ni Governor Faustino “Bojie” Dy III na naiintindihan niya ang pangangailangan ng mga tobacco farmers ngunit dapat din nilang maunawaan na may alokasyon para sa kanila mula sa excise tax.
Dahil sa nasabing suliranin ay napagpasyahan na magkaroon ng isang linggong validation ang pamahaalang lunsod ng Ilagan para malaman kung sino ang dapat na mabigyan ng mga kapakinabangan.