CAUAYAN CITY – Patay ang batang magkapatid habang nasugatan ang kanilang kuya matapos silang mahulog at matabunan ng gumuhong dike sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang mga namatay ay sina Mike Jhon Yadao, 8 anyos at Justin Sean Yadao, 4 anyos habang nadurog ang buto sa paa ng kuya nilang si Kevin Joe Yadao, 10 anyos, pawang residente ng Barangay Macate, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Purificacion Tumacder ng Macate, sinabi niya na nagtungo ang magkakapatid sa gilid ng ilog para magtapon ng mga pinutol na sanga ng kahoy.
Nagtungo sila sa flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at naglaro subalit aksidenteng bumigay ang dike na nagresulta ng pagkahulog ng magkakapatid.
Agad na namatay ang dalawa dahil sa tama sa kanilang ulo ng gumuhong semento habang nadurog ang buto sa paa ng nakatatanda sa kanila.
Ayon kay Barangay Kapitan Tumacder, noong 2017 ginawa ang flood control project at nasira sa mga nagdaang bagyo.
Magsasagawa ngayong araw ng emergency meeting ang mga opisyal ng barangay ng Macate, Bambang para talakayin ang pagbabawal ng pagtungo ng mga tao sa bahagi ng napinsalang flood control project upang maiwasang maulit ang insidente.
With reports from Bombo Exiquiel Quilang
Photo Credit: Wilma Baliton