CAUAYAN CITY – Ipinauubaya ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa mga otoridad ang imbestigasyon sa umano’y KAPA investment scam sa lalawigan.
Ito ay kasunod ng raid sa tanggapan ng KAPA Community Ministry International Incorporated sa bayan ng Bagabag ng pinagsanib na puwersa National Bureau of Investigation (NBI), Police Regional Office 2 (PRO2), Securities and Exchange Commission (SEC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Carlos Padilla, sinabi niya na ngayon lamang niya nalaman na may investment scam sa lalawigan dahil walang nagparating ng impormasyon.
Matatandaan na walang nadatnan ang mga otoridad nang isilbi ang dalawang search warrant sa tanggapan ng KAPA sa bayan ng Bagabag ngunit nasamsam nila ang mga ginagamit na operasyon tulad ng computer at iba pang dokumento.





