CAUAYAN CITY – Naaresto ang isang dating Overseas Filipino Worker (Ofw) na Oplan Tokhang responder at nagtapos sa Community Based-Rehabilitation and Wellness Program (CBRWP) ngunit bumalik sa illegal na gawain.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Illegal Possesion of Ammunitions at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dating Ofw na si Apolonio Asidera, residente ng Bintawan Sur, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt Oscar Abrojena, ang hepe ng Villaverde Police Station, sinabi niya inaresto nila si Asidera matapos na isilbi ang search warrant na inilabas ng korte dahil sa pag-iingat niya ng mga bala at droga.
Nakita sa bahay ng suspek ang 21 na bala ng Caliber 45, bulto ng droga na hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Si Asidera ay nakakulong sa Villaverde Police Station habang dinala na sa PNP Crime Laboratory ang nakumpiska sa kanya na hinihinalang shabu.