CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Aurora, Isabela para malaman ang tunay na sanhi ng pagkasunog kaninang madaling araw ng isang warehouse sa barangay Sta. Rita.
Ang may-ari ng warehouse ay si Hedelisma Mateo, 58 anyos, biyuda, negosyante at residente ng Sta. Rita, Aurora, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Senior Inspector Mark Manalo, municipal fire marshall ng Aurora, Isabela, sinabi niya na nakatanggap sila ng tawag kaninang 2:50am hinggil sa nasusunog na bodega na naglalaman ng mga construction materials gaya ng semento, yero at mga bakal.
Luma na umano ang warehouse na gawa sa kahoy ang dingding at luma na rin ang electrical fuse.
Ayon pa kay FSr Insp, malaki na ang sunog nang dumating sila sa lugar at tumulong din ang Cabatuan Fire Station sa pag-apula sa apoy.
Nagpaalala siya na kapag luma na at nasa 30 taon na ang bahay o gusali ay ipasuri ang mga electrical wirings sa certified at registered electrical engineer o sa BFP.
Ito ay dahil kahit ligtas ang mga electrical wirings sa labas ay maaaring hindi ang mga nasa loob na maaaring pagmulan ng sunog.