CAUAYAN CITY – Labis na ikinalungkot ng mga kapamilya at kaalyado sa pulitika ang pagbaril at pagpatay kay dating Board Member Napoleon Hernandez, 59 anyos at dating barangay kapitan ng San Marcos, San Mateo, Isabela.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital si Hernandez, itinalagang municipal administrator ng bagong mayor ng San Mateo, Isabela.
Isinugod si Hernandez sa Multicare Hospital matapos siyang barilin ng riding-in-tandem criminal dakong 7:20PM ng July 1, 2019 habang binabagtas ng minamanehong Toyota Vios ang kahabaan ng Dagupan, San Mateo, Isabela.
Nagtamo si Hernandez ng tama ng bala sa kanyang dibdib na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Pauwi na si Hernandez sa kanilang bahay sa San Marcos, San Mateo kasama ang kanyang misis mula sa pagdalo sa inagurasyon ni Mayor Gregorio Pua nang maganap ang pamamaril ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Mapalad na hindi nagtamo ng sugat ang kanyang misis na si Gng. Placida Hernandez.
Si Hernandez ay dating Liga ng mga Barangay Federation President ng Isabela at itinalagang farmers sectoral representative kaya naglingkod bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela.