--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ng hustisya ang bagong upo na si Governor Rodolfo “Rodito” Albano III sa pagbaril at pagpatay kagabi kay dating dating Board Member Napoleon “Nap” Hernandez, 59 anyos at dating barangay kapitan ng San Marcos, San Mateo, Isabela.

Pauwi na si Hernandez sa kanilang bahay sa San Marcos, San Mateo kasama ang kanyang misis mula sa pagdalo sa inagurasyon ni Mayor Gregorio Pua nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo ang minamanehong Toyota Vios habang binabagtas ang daan sa Dagupan, San Mateo.

Mapalad na hindi nagtamo ng sugat ang kanyang misis na si Barangay Kagawad Placida Hernandez.

Isinugod si Hernandez sa isang pribadong ospital ngunit binawian ng buhay matapos ang ilang oras dahil sa malalang tama ng bala sa kanyang katawan.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Albano, sinabi niya na gusto niyang malaman kung sino ang pumaslang kay Hernandez .

Aniya, hihintayin nila ang resulta ng pag-iimbestiga ng mga otoridad bago bumuo ng task force na tututok sa pagpatay sa dating SP member.

Pag-uusapan din nila ang paglalaan ng reward money sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa mabilis na ikadarakip ng mga salarin.

Ang tinig ni Gov. Rodito Albano

Si Hernandez ay dating Liga ng mga Barangay Federation (LMB) President ng Isabela at itinalagang farmers sectoral representative kaya naglingkod ng maraming taon bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela.

Sa inagurasyon kahapon ni Mayor Greg Pua ng San Mateo ay ini-anunsiyo niya ang pagtalaga kay Hernandez bilang kanyang municipal administrator.