CAUAYAN CITY – Mayroon nang natukoy ang pulisya na dalawang person of interest sa pagbaril at pagpatay kay dating board member Napoleon Hernandez.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMajor Jeffrey Raposas, hepe ng San Mateo Police Station na hindi nakilala ni Gng. Placida Hernandez ang mga suspek na bumaril nang dalawang beses sa kanyang mister habang minamaneho ang kanilang sasakyan pauwi sa kanilang bahay.
Ayon kay PMaj Raposas, natukoy ang dalawang persons of interest batay sa kanilang malalimang pagsisiyasat.
Wala aniyang inireport sa pulisya ni dating board member Hernandez na banta sa kanyang buhay kundi nabanggit lamang niya ito sa kanyang pamilya at mga kasama.
Ayon kay PMajor Raposas, inalok din niya ng security si Ginoong Hernandez nang magkita sila habang naghahanda sila sa inagurasyon ni Mayor Gregorio Pua ngunit tinanggihan ang kanyang alok at sinabing hindi mahilig siya sa security.
Malaki aniya ang pagkakataong minanmanan si G. Hernandez at magaling ang bumaril sa kanya sa drivers side na umabot sa passenger side ngunit mapalad na hindi tinamaan ang kanyang misis.
Caliber 45 ang baril na ginamit ng mga salarin batay sa slug na nakuha sa loob ng kotse.
Patuloy aniya ang malalimang imbestigasyon ng pulisya.
Kagabi ay nagpadala sa bayan ng San Mateo si Provincial Director PColonel Mariano Rodriguez ng mga intelligence operatives at hepe ng investigation section ng IPPO para tumulong sa pagsisiyasat sa pagpatay kay Hernandez.
Ayon kay PMaj. Raposas, susuriin nila ang kuha ng mga CCTV camera sa mga lugar na dinaan ang mga suspek para magkaroon sila ng gabay sa pagsisiyasat.





