--Ads--

CAUAYAN CITY –  Ipinaliwanag ng pamunuan ng  95th Infantry Battalion Philippine Army na ang ginagawang survey ng mga sundalo sa ilang liblib na barangay ng San Mariano, Isabela ay batay sa Executive Order (EO) 70 na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Col. Gladius Calilan, commanding officer ng 95th IB  na nakasaad sa EO 70 ang pagtatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Tinatanong sa survey na isinasagawa ng mga sundalo ang mga pangangailangan ng mga mamamayan maging ng mga proyekto at programa na kailangan sa kanilang barangay para idulog ng militar sa Local Government Unit (LGU) o mga ahensiya ng pamahalaan para mabigyan ng katugunan.

Ang mga isyu o karaingan aniya ng mga mamamayan sa isang lugar ang ginagamit ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) para sila  ay  impluwensiyahan at himukin na sumapi sa kanila.

--Ads--

Binanggit niya ang pangangailangan ng tulay sa Capuseran, Benito Soliven, Isabela na pinagtulungan ng militar at pamahalaang lokal ng Benito Soliven para magawa ang hanging bridge na labis na ipinagpapasalamat  ng mga mamamayan sa nasabing barangay.

Ayon pa kay Lt. Col. Calilan, maraming mamamayan ang natutuwa sa kanilang presensiya at may mga nagbibigay sa kanila ng impormasyon nang pasikreto dahil sa takot nila sa mga rebelde.

Nangangamba umano ang mga mamamayan kung aalis na ang mga sundalo ngunit pinawi nila ito dahil magtatayo sila ng mga patrol base sa lugar.

Ang tinig ni Lt. Col. Gladius Calilan

Sinabi pa ni Lt. Col. Calilan na iginagalang nila ang karapatan ng mga mamamayan na  magreklamo dahil tayo ay nasa demokratikong bansa ngunit  ang mga nagsumbong hinggil  sa ginagawang survey ng mga sundalo sa ilang liblib na lugar sa San Mariano tulad ng Ueg, Panninan, Dibuluan at  Disulap ay inutusan umano ng mga rebelde.

Itinanggi rin ni Lt. Col Calilan ang paratang na hinaharass ng mga sundalo ang mga  tao at pinipilit na ilabas ang itinatago nilang  baril at explosives..

Aniya,  may mga natanggap silang impormasyon hinggil  sa mga Militia ng Bayan na sumusuporta sa mga rebelde at binigyan nila ng armas na ginagamit naman nila sa pananakot sa mga mamamayan.

Binigyang-diin pa ni Calilan na naturuan ang mga sundalo ng dapat nilang gawin at mapapatawan sila ng kaukulang parusa kapag sila ay nagmalabis.

Ang tinig ni Lt. Col Gladuis Calilan