--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang miyembro ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City Government at isang tsuper ng tricycle matapos manlaban umano sa isinagawang drug buy-bust operation dakong alas onse kagabi sa Carabatan Bacarenio, Cauayan City.

Ang mga napatay ay ang magkaibigan na sina Eduardo Barroga Jr., tsuper ng tricycle, residente ng District I, Cauayan City at Butch Felipe, miyembro ng POSD.

Nagsagawa ng operasyon ang magkasanib na puwersa ng Cauayan City Police Station, Regional Intelligence Division (RID) at Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) sa nabanggit na barangay ngunit nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta ng pagkamatay nina Barroga at Felipe.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Col Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Station na si Barroga ang ka-transaksiyon ng mga pulis ngunit nakahalata at bumunot ng baril.

--Ads--

Pinaputukan umano ni Barroga ang pulis na nakaganti at binaril ang drug suspect na tinamaan sa kanyang dibdib na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Si Felipe naman umano ay tumakbo sa kanilang sinakyang tricycle at bumunot din ng kaniyang baril subalit naunahang binaril ng isa pang pulis.

Itinanggi ni PLt Col Gamboa ang pahayag ni Gng. Beverly Barroga, misis ni Eduardo na asset siya ng mga pulis.

Unang sinabi ni Gng. Barroga sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan na sinasabi ng kanyang mister sa kanya tuwing pinipigilan niya kapag lumalabas sa gabi na sumasama siya sa intel at may iniuutos sa kanila.

Ang tinig ni Gng. Beverly Felipe

Mariin namang pinabulaanan ng mga magulang ni Butch na sina Ginoong Alejandro Felipe at Gng. Nelia Felipe na sangkot sa droga ang kanilang anak na apat na taon nang kasapi ng POSD.

Ang tinig ni Ginang Nelia Felipe

Sinabi ni Ginoong Felipe na hindi drug surrenderer ang kanyang anak at wala siyang baril.

Iginiit niya na natanggal na sana sa trabaho ang kanyang anak kung sangkot sa illegal drugs.

Ang tinig ni Ginoong Alejandro Felipe

Narekober sa crime scene ang 2 Caliber 38 revolver na baril; 5 heat sealed transparent sachet na hinihinalang shabu, 1,000 pesos na buy bust money; 3 basyo ng caliber 9mm na baril; tricycle at cellphone.

Ang mga suspek ay kabilang sa listahan Directorate for Intelligence ng Philippine National Police (PNP) at matagal na minanmanan bago isinagawa ang drug buy-bust operation.