CAUAYAN CITY – Overspeeding ang nakikita ng pulisya na sanhi ng naganap na banggaan ng dalawang motorsiklo na ikinamatay ng dalawang tao sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Ang mga nasawi ay sina Joeffrey Artienda Sr., 59 anyos, principal ng Bulala Elementary School at Rodolfo Ancheta, 54 anyos, magsasaka at residente ng Mabasa, Dupax Del Norte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Jobberman Vides, spokesman ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) na ang principal na si Artienda ay patungong Poblacion ng Dupax Del Norte nang biglang sumulpot ang mabilis na motorsiklo na minamaneho ni Ancheta sanhi para magsalpukan ang dalawang motorsiklo.
Dahil sa lakas ng banggaan ay kapwa nagtamo ng malalang sugat ang dalawa na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Ayon kay PMaj Vides, lumabas sa imbestigasyon ng Dupax del Norte Police Station na parehong mabilis ang pagpapatakbo ng dalawa sa bahagi ng pakurbadang daan.
Lumabas din sa pagsisiyasat ng pulisya na galing sa inuman si Ancheta bago nasangkot sa aksidente.