CAUAYAN CITY– Isinusulong ni Congressman Faustino “Inno” Dy V ng 6th district ng Isabela ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataang elections sa Mayo 2023 sa Kamara.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Dy, sinabi niya na naghain siya ng isang panukala noong unang araw ng buwang kasalukuyan tungkol sa pagpapaliban sa Barangay at SK elections sa Mayo 2023.
Aniya, ang magiging provision nito pagkatapos ng gagawing halalan ay gawin ng limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials gayundin na gawin na lamang na dalawa ang termino kung saan aabot ng sampong taon ang kanilang panunungkulan.
Suportado naman aniya ng mga kasamahan niyang kongresista dito sa Isabela ang kaniyang panukala gayundin na marami na rin siyang nakausap sa iba pa niyang kasamahan sa kongreso sa tuwing mayroon siyang meeting na pinupuntahan.
Ayon pa kay Congressman “Inno” Dy, Mayo 2023 ang nakalagay sa kanyang panukala para mabigyan ng sapat na oras na makapaglingkod at makapagtrabaho ang mga opisyal ng barangay gayundin ang mga SK officials.





