CAUAYAN CITY – Itinaas na ng Office of Civil Defense o OCD region 2 ang red alert ang status sa Cagayan Valley Region mula sa blue alert status dahil sa bagyong Falcon.
Nakataas ang public storm warning signal number 1 sa Northern Isabela, Cagayan at Batanes dahil sa bagyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginong Ronald Villa, pinuno ng operations section ng OCD region 2 na ipinag-utos ni OCD Director Dante Balao bilang pinuno rin ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagsuspindi sa biyahe ng mga sasakyang pandagat sa tatlong lalawigan batay sa gale warning na inilabas ng Pagasa.
Katuwang ng OCD region 2 ang pagpapatupad sa no sailing policy ang Philippine Coast Guard (PCG)
Dahil nasa red alert status ay ipinag-utos ng OCD region 2 ang puspusang monitoring ng mga Local DRRM at pagpapatupad ng preemptive evacuation kung kailangan lalo na sa lugar na prone sa pagbaha at pagguho ng lupa.