--Ads--

CAUAYAN CITY – Sinuspindi ng Schools Division Office (SDO) ng Department of Education (DepEd) Isabela ang klase mula pre-school hanggang senior high school sa public at private schools sa lalawigan.

Layunin nito na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral dahil sa mga pag-ulan na dala ng bagyong Falcon.

Ramdam ang epekto ng bagyo sa Isabela dahil kahapon pa nararanasan ang mga pag-ulan kaya tumaas ang water level ng mga ilog at sapa.

Bukod dito ay may naitalang pagguho ng lupa sa San Pedro, San Mariano, Isabela at nasira rin ang approach ng Minanga bridge sa nasabing bayan dahil sa mga bumagsak na bato.

--Ads--

Samantala, marami ang pumuna sa late na pagsuspindi ng klase ngayong araw dahil marami nang guro at estudiyante ang nakapasok sa kanilang paaralan. 

Bago mag-alas siyete kaninang umaga nang ipalabas ang class suspension order ng DepEd Isabela.

Unang nag-anunsiyo ng pagsuspindi ng klase ang Local Government Unit (LGU) ng San Mariano, Benito Soliven, Alicia, Angadanan at City of Ilagan.