CAUAYAN CITY – Tinawag ng 502nd Infantry Brigade Philippine Army na black propaganda ang paratang ng New People’s Army (NPA) na pagpapalusot ng mga pinutol na kahoy ng mga miyembro ng Community Support Program (CSP) sa Buyasan San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sgt. Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade, sinabi niya na binibigyan lamang ng mga rebelde ng masamang kulay ang pagtalaga ng CSP sa nasabing barangay.
Iginiit niya na pinupuntriya ng mga rebelde ang CSP ng Philippine Army dahil nawawala na ang suporta sa kanila ng taumbayan bunga ng mga programang ibinibigay ng pamahalaan.
Hinamon ni Sgt Lopez ang mga rebelde na patunayan kung may katotohanan ang kanilang paratang at magsampa ng kaso sa mga sangkot sa pagpapalusot ng mga illegal logs.
Bukas aniya ang commander ng 95th Infantry Battalion na patawan ng mabigat na parusa ang mga sundalo at miyembro ng CSP na nakatalaga sa Buyasan, San Mariano, Isabela kung mapapatunayang lumabag sila sa batas.