CAUAYAN CITY – Naniniwala si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Armando Velasco na hindi maganda na ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa May 11, 2020.
Matatandaang sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hiniling niya sa Kongreso na ipagpaliban sa Oktubre 2022 ang halalan sa susunod na taon upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga baranggay at SK officials na maipatupad ang kanilang mga programa at proyekto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ipinaliwanag ni Atty. Velasco na ilang beses nang ipinagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Iginiit niya na dapat panindigan ng pamahalaan ang itinakdang eleksiyon sa May 11, 2020.
Aniya, marami ang apektado kung ipagpapaliban muli ang eleksiyon lalo na ang Comelec dahil marami ang mga kailangan nilang gawin.
Bukod dito ay hindi na maniniwala ang mga mamamayan kung palaging hindi nasusunod ang itinakdang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sang-ayon din si dating Comelec Commissioner Velasco na tanggalin na lamang ang Sangguniang Kabataan Elections.
Ito ay dahil maaari namang kumatawan ang mga kabataan sa Kongreso, Sangguniang Bayan at Sangguniang Panlalawigan.
Binanggit din niya may mga kabataan na kinasuhan bunsod ng mga maling desisyon dahil sa panunulsol sa kanila.