--Ads--

CAUAYAN CITY – Naaresto na ang isa dalawang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang senior citizen habang nakaligtas ang kanyang misis matapos silang pasukin sa kanilang bahay sa Saguday, Quirino.

Ang nasawi ay si Ricardo Flores, 69 anyos at magsasaka habang ang nasugatang asawa ay si Teresita Flores, 68 anyos.

Ang suspek ay ang nagsasaka sa kanilang bukid na si Ariel Maubao, 34 anyos at residente rin sa kanilang lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dakong 9:50 ng gabi noong Sabado, July 27, 2019 nang makatanggap ng tawag ang Saguday Police Station kaugnay ng naganap na pamamaril sa nasabing lugar.

--Ads--

Sa pagtugon ng Saguday Police Station ay natagpuan ang katawan ni Ricardo na duguan sa loob ng kanilang silid.

May dugo rin sa noo ng asawang si Teresita dahil pinalo ng baril ng suspek.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, dakong 9:30 ng gabi nang nanonood ng telebisyon ang mag-asawa sa kanilang sala nang kumatok ang dalawang lalaki na nagpakilalang kasapi ng CIDG.

Inutusan umano ng mga pinaghihinalaan ang mag-asawa na buksan ang pintuan subalit tumanggi sila kaya nagalit ang mga suspek at sapilitang binuksan ang pintuan ng bahay.

Sa pagsisigaw umano ng matandang babae ay pinaputukan siya ng suspek ngunit pumalya ang kanyang baril kaya pinalo siya sa kanyang ulo.

Dinala sa Quirino Medical Center ang mag-asawang Flores subalit idineklarang dead on arrival ang matandang lalaki.

Sa patuloy na imbestigasyon ng Saguday Police Station ay positibong kinilala ni Ginang Flores ang nagsasaka sa kanilang bukid na si Maubao na siyang bumaril sa kanyang mister.

Ayon kay Ginang Flores, si Maubao lang ang may motibo na gawin ang krimen dahil masama ang kanyang loob sa kanila.

Ito ay dahil napagpasyahan nilang mag-asawa na hindi na ipaubaya kay Maubao ang pagsasaka sa kanilang bukid dahil hindi sinusunod ang napagkasunduang hatian sa aning palay.

Mariing itinanggi ni Maubao ang krimen ngunit sinampahan pa rin siya ng kasong pagpatay at bigong pagpatay habang patuloy ang paghahanap sa kasama niyang suspek sa krimen.