CAUAYAN CITY – Hiniling ni Dr. Maria Francia Laxamana, assistant secretary ng Department of Health (DOH) ang suporta ng Department of Education (DepEd), Local Government Units(LGU’s), provincial government, mga guro at mga magulang sa kanilang isinasagawang School-based Immunization Program.
Umabot sa 400 na mag-aaral ang nabakunahan sa Santiago North Central School sa Santiago City sa isinagawang launching sa region 2 ng School-based Immunization Program.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Laxamana na mapapabilis ang pag-abot nila sa target na 95% ng mga mag-aaral ang mababakunahan kontra sa tigdas kung magkakaroon ng pagtutulungan.
Iginiit niya na mahalaga na mabakunahan ang lahat hindi lamang ang mga bata dahil kahit buntis ay puwedeng bakunahan para maging ligtas sa anumang sakit para hindi sila mamatay bunsod ng komplikasyon.
Matatandaang bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna laban sa tigdas dahil sa naging pangamba ng mga magulang dulot ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.
Samantala, nagpasalamat si Mayor Joseph Tan sa pamunuan ng DOH Region 2 sa pagpili sa lSantiago City para isagawa ang launching ng School-based Immunization Program.
Ang Santiago City ay isa sa mga LGU sa region 2 na aktibo sa immunization program ng pamahalaan.