--Ads--

CAUAYAN CITY – Bumaba ang bilang ng mga nagkasakit ng dengue sa Lambak ng Cagayan sa ikalawang bahagi ng 2019 kumpara noong nakaraang taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr Romeo Turingan, Dengue Monitoring Coordinator ng Department of Health (DOH) region 2 na nasa below alert threshold sa rehiyon kaya walang outbreak ng dengue.

Kung noong unang quarter ng 2019 ay umabot pa sa 161% ang pagtaas ng kaso ng dengue, hanggang kahapon, Agosto 6, 2019 ay 85% na lamang ang itinaas ng bilang ng mga tinamaan ng dengue.

Umabot na sa 36 ang mga nasawi dahil sa nasabing sakit na dulot ng lamok na carrier ng dengue.

--Ads--

Sinabi ni Dr. Turingan na sa datos ng DOH region 2, mula Enero hanggang Agosto 6, 2019 ay umabot na sa 7,786 kaso ng dengue sa ikalawang rehiyon.

Pinakamaraming kaso ang lalawigan ng Cagayan na may 3,354 na sinundan ng Isabela na may 2, 933; ang Nueva Vizcaya ay 801, ang Quirino ay 720 at ang Batanes ay 8.

Ipinaliwanag ni Dr. Turingan na kapag naideklara ang National Dengue Epidemic ay dapat maging alerto ang mga mamamayan at paigtingin ang mga hakbang para mahadlangan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.

Sa region 2 aniya ay mababa ang threshold level kumpara sa ibang region na may outbreak ang dengue ngunit patuloy ang pagpapatupad ng preventive measure tulad ng pagtatag ng Action Barangay Kontra Dengue at ibalik ang 4 o’clock habit para hanapin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok tulad ng mga naiipon na tubig dahil sa mga pag-ulan.

Mungkahi ni Dr. Turingan na magpatibay ng ordinansa ang mga barangay na nagpapataw ng penalty sa pamamagitan ng community service sa mga bahay na makakakitaan ng mga kiti-kiti para mapilitan silang maglinis ng kanilang kapaligiran.

Nanawagan si Dr. Turingan sa mga mamamayan na makiisa sa mga municipal at barangay health workers para mahadlangan ang pagdami ng kaso ng dengue sa ikalawang rehiyon.

Ang tinig ni Dr. Romeo Turingan