CAUAYAN CITY – Bumuo na ang Ifugao Police Provincial Office ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa pagbaril noong Martes sa isang journalist na paralegal volunteer ng Ifugao Peasant Movement IPM).
Ang binaril na si Brandon Lee, 37 anyos, nagsusulat sa online media outfit na Northern Dispatch ay nagtamo ng tatlong tama ng baril at inoperahan na sa isang ospital sa Baguio City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Ernesto Bekesan, hepe ng Lagawe Police Station, sinabi niya na ang task group ay binubuo ng iba’t ibang unit ng PNP.
Sinabi na niya agad silang tumugon matapos matanggap ang report hinggil sa pagbaril kay Brandon Lee subalit hindi na nila naabutan sa crime scene dahil dinala na siya sa ospital ng ilang concerned citizen.
Palabas si Lee sa kanilang bahay Sitio Dugong, Tungod, Lagawe, Ifugao dakong alas sais ng gabi noong ika-6 ng Agosto 2019 nang mangyari ang pamamaril sa kanya.
Ayon pa kay PMaj. Bekesan, ang biktima ay miyembro ng Ifugao Peasant Movement na tumutulong sa mga mamamayan at wala naman silang nababalitaan na negatibo tungkol sa kanya.
Nanawagan siya sa mga nakakita sa pamamaril kay Brandon Lee na magbigay ng impormasyon sa kanila para matukoy at maaresto ang suspek.
Samantala, kinondena ng 54th Infantry Battalion Philippine Army na nakabase sa Kiangan, Ifugao ang pagbaril kay Brandon Lee.
Sa pahayag ni Lt. Col Narciso Nabulneg Jr., Battalion commander ng 54IB, tiniyak niya ang suporta nila sa imbestigasyon sa pagbaril sa journalist.
Umapela rin siya sa mga mamamayan sa Ifugao na makipagtulungan sa pagsisiyasat at magbigay ng impormasyon sa mga otoridad para matukoy at mapanagot ang mga suspek.