CAUAYAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) para malaman kung sino ang may pananagutan sa pagkuha ng mga bat manure o dumi ng mga paniki sa kuweba sa Nagtipunan, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Ginoong Taripato Sagun, ang OIC CENRO ng Nagtipunan, Quirino, nakita ang mahigit 100 sako ng dumi ng paniki at agad itong dinala sa pansamantalang pangangalaga ng barangay habang tinutukoy kung sino ang kumuha sa mga ito sa yungib .
Ayon kay Ginoong Sagun, labag sa Republic Act 9072 o National Caves and Cave Resources Management and Protection Act ang pagkuha ng mga dumi ng paniki at anumang natural resources sa loob ng yungib.
Sa ngayon, mayroon nang team kasama ang tourism department para magbantay sa kuweba.
Dadalo rin sa assembly meeting sa barangay ang CENRO para paalalahanan ang bawat mamamayan hinggil sa naturang batas.