CAUAYAN CITY – Nagtungo na sa ilang liblib na barangay ng San Mariano, Isabela ang Fact-finding Mission na pinamunuan ni Gabriela Women’s Partylist Representative Arlene Brosas para alamin kung may katotohanan ang paratang na pagmamalabis ng mga sundalo ng 95th Infantry Battalion Philippine Army.
Kasama ni Brosas sa mission ang mga kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) national staff, Anakpawis Partylist, National Federation of Peasant Women, Karapatan provincial, regional at national office, Danggayan Dagiti Mannalon (Dagami) at Asosasyon Dagiti Mannalon a Babae ti Isabela.
Unang pinuntahan kahapon ng Fact-finding Mission ang Sitio Digit sa Gangalan, San Mariano, Isabela at nagtipun-tipon ang mga residente sa bahay ni Ginoong Gregorio Velasco na napaulat na pinagbabaril noon ang kanyang bahay ng mga armadong kalalakihan.
Nagbigay ng sinumpaang salaysay ang ilang residente tungkol sa mga nangyari sa kanilang lugar tulad ng pagpapasayaw sa ilang kababaihan ng mga sundalo sa isang okasyon gayundin ang paratang sa ilan na sila ay miyembro ng Militia ng Bayan.
Lumagda ang mga residente ng petisyon na naglalahad ng pagnanais nilang umalis sa lugar ang mga sundalo na sangkot umano sa harassment.
Pinatotohanan ng ilang residente ng Sitio Digit, Gangalan, San Mariano ang panggigipit umano sa kanila ng mga kasapi ng 95th IB.
Pinipilit umano ang ilang residente ng Gangalan, San Mariano na ihayag na sila ay kasapi ng Militia ng Bayan na sumusuporta sa Communist Party of the Philippines New People’s Army (CPP-NPA).
Sa isinagawang fact finding mission kahapon sa barangay Gangalan ay isang residente ang nagkumpirma na pinagbabaril noon ang bahay ni Velasco ng mga armadong lalaki na naka uniporme ng sundalo at nagpakilalang kasapi ng NPA.
May kinunan din umano ng larawan ng 95th IB at pinasusuko sa kampo ng militar.
Isang ginang din ang naghayag na pinalalabas umano ng mga sundalo na nasa listahan ang kanilang mga pangalan sa sumusuporta sila sa NPA mula sa bag na nakuha naganap na engkwentro noon sa Jones, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gabriela Women’s Partylist Representative Arlene Brosas, sinabi niya na sa personal nilang pakikipag-usap sa mga residente ng Sitio Digit ay napatunayan nilang totoo ang kanilang mga sumbong at napag-alaman din nilang may mga naganap na sexual harassment at pang-aabuso sa ilang residente.
Aniya, gagawa sila ng resolusyon sa Kongreso upang ipakita ang kanilang mga napag-alaman na nangyari sa nasabing lugar.
Pagkatapos ng Fact-finding Mission ay magsasagawa sila ng press conference.
Ngayong araw ay pinuntahan nila ang Dibuluan, San Mariano at sinalubong sila ng mga mamamayan na may mga hawak na tarpaulin at mga plakard na tutol sa Fact-inding Mission.
Samantala, sa pahayag ng pamunuan ng 95th infantry battalion ay sinabi na sinusuportahan ang fact finding mission ng grupo ni gabriela partylist representative Arlene brosas mula ikawalo hanggang ikasampu bg Agosto dahil tayo ay nasa demokratikong bansa.
Ipinaliwanag ng 95th IB na itinalaga ang Philippine Army sa San Mariano, Isabela alinsunod sa Executive Order #70 ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bahagi ng hakbang para wakasan na ang Communist Armed Conflict.
Ang Send off ceremony noong Hunyo 2019 ay dinaluhan nina Mayor Edgar Go at mga opisyal ng barangay.
Lumagda sila ng pagtanggap sa Community Support Program Operators at nagpasa pa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan para sa pagtatalaga ng mga CSP team sa mga barangay ng San Mariano.
Ang mga paratang laban sa mga sundalo ng 95th IB ay natalakay sa Peace and Order Council Committee hearing na pinamunuan ni SB member Jerome Miranda noong ika-30 ng Hulyo at dumalo ang mga nagrereklamo laban sa militar gayundin ang mga walang reklamo laban sa kanila.
Pinabulaanan umano ng tatlong barangay executive ang paratang na harassment ng mga sundalo.
Nagbigay din ng official statement ang ilang barangay kapitan na nakatulong ng malaki sa kanilang lugar ang mga ginagawang hakbang ng mga sundalo sa pamamagitan ng kanilang Community Support Program.