CAUAYAN CITY – Naipagkaloob na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 ang 5.4 million pesos na emergency shelter assistance sa mga nasiraan ng bahay sa Itbayat, Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, spokesman ng DSWD region 2, sinabi niya na tapos na sila sa kanilang pagsasagawa ng validation sa mga bahay na sinira ng lindol gayundin ang payout ng emergency shelter assistance sa mga residente na nagtamo ng partially at totally damaged na mga bahay.
Aniya, nasa 209 ang mga bahay na nasira at umabot sa 180 ang totally damaged habang 27 ang partially damaged.
Nasa 172 na pamilya na ganap na nasira ang mga bahay ang nabigyan ng Php 30,000.
Nasa 24 na pamilya na nagtamo ng partially damaged sa kanilang mga bahay ang nabigyan ng Php 10,000
Sa kabuuan ay nasa 5.4 million pesos na ang naibigay ng DSWD region 2 sa mga biktima ng lindol sa Itbayat.
Ang mga hindi pa nakatanggap ng ayuda ay ang mga wala noong nagsagawa ng payout ang DSWD.
Idinagdag pa ni Ginoong Trinidad na bukod sa financial assistance ay nagbigay din ang Office of the Civil Defense (OCD) ng mga items habang ayuda ang National Housing Authority (NHA).
Bukod aniya sa emergency shelter assistance ay nagbigay din sila ng burial assistance sa mga namatayan at medical assistance para sa mga nasugatan sa naganap na lindol.