--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinanggihan umano ang nais ng 5th Infantry Division Philippine Army na magkaroon ng Joint Fact Finding Mission sa San Mariano, Isabela kaugnay ng akusasyon sa mga sundalo na paglabag sa karapatang pantao sa ilang liblib na barangay ng nasabing bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na sinusuportahan nila ang Fact Finding Mission at hindi nila pinapayagan ang mali at illegal na ginagawa ng ilang sundalo kaugnay ng kanilang mandato at adbokasiya na ipatupad ang katahimikan at kapayapaan sa mga nasasakupan nilang lugar.

Binigyang-diin niya na iginagalang nila ang karapatan ng mga mamamayan alinsunod sa international humanitarian law at sinusunod nila ang rules of engagement.

Ayon kay Major Tayaban, handang harapin ng 5th ID ang anumang isasampang kaso sa kanila matapos ang Fact Finding Mission para maitama kung may mali

--Ads--

Hiniling nila aniya na magkaroon ng joint Fact Finding Mission ngunit tinanggihan ito ng mga kinauukulan.

Iginiit niya na ang bumubuo sa Fact Finding Mission ay illegal organization dahil wala sila sa listahan National Security Council.


Ayon kay Major Tayaban, ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Karapatan, Kilusang Mayo Uno (KMU) at Gabriela ay front organization ng CPP-NPA batay sa nabanggit ni CPP Founder Jose Maria Sison.

Aniya, si Joma Sison mismo ang sangkot sa red tagging sa nasabing mga grupo sa pamamagitan ng pagsasabi na sila ay legal front ng CPP-NPA ang KMU, KMP at Gabriela dahil sila ang nagrerecruit ng mga sasapi sa NPA.

Binanggit din niya na ang Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela (Dagami) ay umbrella o underground ng KMP.

Ayon kay Major Tayaban, ang militar ay sinusuportahan ng mas nakararaming mamamayan sa San Mariano, isabela dahil sa mga ginagawang hakbang para sa katahimikan at kaunlaran sa mga liblib na lugar sa pamamagitan ng Community Support Program (CSP) na pinayagan ng San Mariano LGU sa bisa ng pinagtibay na resolusyon.

Ang fact finding mission aniya ay itinaboy sa Dibuluan, San Mariano sa pamamagitan ng isinagawa nilang protesta na may mga hawak na placard na nagsasaad ng pagtutol nila sa pagpasok sa kanilang mga barangay ng umanoy mga kasapi ng CPP-NPA.

Hinggil sa pagpapatawag sa mga tao na nasa listahan na nakuha sa bag sa naganap na sagupaan noon sa Jones, Isabela, ipinaliwanag ni Major Tayaban na karapatan ng bawat tao na malaman na sila ay kasama sa talaan taliwas sa mga sinasabi ng legal front ng CPP-NPA na pinilit sila ng militar na kausapin at pinapasuko.

Ipinaliwanag aniya ng militar sa mga inimbitahang mamamayan kung paano sila nililinlang para marecruit.

Inamin umano ng ilan nilang ipinatawag na hindi nila alam na sila ay kasapi ng Militia ng Bayan.
Ayon kay Major Tayaban, hindi itinuturing ng militar na kalaban ang Militia ng Bayan kundi itinuturing silang biktima ng pagrerecruit at panlilinglang ng mga rebelde.

Ang tinig ni Army Maj Noriel Tayaban

Samantala, sa panig ng Reynaldo Pinion Command ng NPA, iginiit ang paglabag sa karapatang pantao ng militar sa kanilang pagsasagawa ng Community Support Program sa ilang barangay.

Ginulo umano ng mga sundalo ang katiwasayan ng mga komunidad, binubusalan ang bibig at pinipiringan ang mata ng mamamayan na naglalagay sa panahon ng kadiliman.

Sa loob ng 50 taon na pakikikibaka ay hindi nagapi ang kilusan dahil sa suporta ng mga mamamayan sa ipinaglalaban nilang pambansa at demokratikong interes ng sambayanan.

Ito ay dahil hindi nalulutas ng pamahalaan ng ugat ng armadong tunggalian na tulad ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa, walang industrialisasyon at nananatiling kontrol ng imperyalismong U.S. at ngayon ay ng Tsina.

Kaugnay ng patuloy na panawagan sa mga NPA 5th ID at 95th IB na pagsuko ng mga rebelde, iginiit ng tagapagsalita ng RPC-NPA na si Vic Balligi na hindi sila susuko dahil maituturing itong kahihiyan at pagtraydor sa masang api.