--Ads--

CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya ni Atty. Ralph Maloloyon sa pagkasawi ng ikalawang anak matapos saksakin ng mga suspek na nambato sa kanyang sasakyan kaninang alas dos ng madaling araw sa tapat ng isang bahay inuman sa San Fermin, Cauayan City.

Nasawi ang binatang negosyante at naging SK Chairman na si Revin Maloloyon, 26 anyos, residente ng District 1, Cauayan City dahil sa malalang saksak sa kanyang dibdib at tagiliran.

Ang mga suspek sa naganap na pananaksak ay sina Prince Aldrin Felipe, nasa tamang edad; Butch Dumantay, 42 anyos, may-asawa, private employee; Mark Errol, 24 anyos at Jerick Cauilan, 22 anyos, pawang residente ng Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni PLt Col Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Station na binato ang sasakyan ni Maloloyon kaya kinompronta nito at kanyang mga kasama ang mga suspek ngunit nauwi ito sa kaguluhan at pananaksak sa binata.

--Ads--

Nagtamo rin umano ng sugat ang isa sa mga pinaghihinalaan.

Sinabi pa ni Pol Lt Col Gamboa na nahabol ng ama ng biktima ang isa sa mga suspek kaya napilitang sumuko na rin ang iba pang mga kasama nito.

Ang tinig ni PLt Col Gerald Gamboa

Inamin ng isa sa mga suspek na nagkaroon ng kaguluhan sa labas ng bahay inuman ngunit hindi niya napansin kung sino ang sumaksak kay Maloloyon.

Samantala, sinabi ng tiyahin ng binata na si Joana Mones na narinig niya sa Bombo Radyo Cauayan kaninang alas singko ng madaling araw ang ulat hinggil sa pananaksak sa kaniyang pamangkin kaya agad siyang nagtungo sa ospital.

Labis silang nagluluksa sa pagkamatay ni Revin na naglambing na regaluhan niya ng mamahaling motorsiklo ngunit sinabi niya na mag-iipon muna siya ng pera.

Nakatakda rin silang magtungo sa Thailand para sa kanilang reunion ngunit nakalulungkot na ang pagkamatay ng kaniyang pamangkin ang dahilan na napaaga ang kanilang pagsama-samang magkakamag-anak.

Tila nagparamdam din ang pagpanaw ng kanyang pamangkin dahil sa kanilang biruan ay nabanggit niya na kapag namatay siya ay gusto niya ng magandang karo na kulay pink.

Ang tinig ni Joana Mones

Photo credit: Dzen Mones, Atty. Ralph Maloloyon