--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihambing ni Ginoong Ernesto Subia, presidente ng Rice Millers Association sa region 2 ang Rice Tariffication Law sa isang dam na binuksan at nagdulot ng pagbaha.

Bumabaha na aniya ng bigas sa bansa dahil wala nang kontrol ang pamahalaan sa pag-import ng bigas. Kahit sino ay puwede nang mag-angkat sa ibang bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit niya ni Ginoong Subia na panggulo sa industriya ng bigas ang Rice Tariffication Law dahil lubos na naapektuhan ang mga lokal na magsasaka at mga rice miller.

Aniya, hindi na dapat na inaprubahan ang nasabing batas dahil puwede namang atasan ng National Food Authority (NFA) ang mga kooperatiba na mag-import ng bigas hindi tulad ngayon na kahit sinong tao ay maaari nang mag-angkat ng bigas kaya napapabayaan na ang mga magsasaka sa Pilipinas.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na mas makikinabang sa naturang batas ang mga mayayaman dahil sa halip na bumili sa mga lokal na magsasaka ay mas pipiliin na nilang na mag-import ng murang bigas.

Hindi rin aniya tiyak ang na mapupunta sa mga magsasaka ang taripa mula sa Rice Tariffication Law.

Binigyang-diin ni Ginoong Subia na kung ginampanan lamang ng NFA ang tungkulin na i-regulate ang presyo ng bigas sa Pilipinas ay hindi na kailangan na mag-import ng maraming bigas sa ibang bansa.

Sinabi pa ni Ginoong Subia na bukod sa mga magsasaka at konsumer ay apektado rin ang mga rice miller dahil sa lumiliit nilang kita kaya marami na ang nagsara ng kanilang negosyo sa bigas.

Ayon pa kay Subia, una nilang pinayuhan si dating DA Secretary Emmanuel Piniol na huwag isulong ang Rice Tarrification Law dahil sa negatibong epekto nito ngunit hindi pinakinggan ang kalihim.

Aniya, dapat sana ang mga mambabatas ang nag-ingay na pigilan ang batas ngunit tikom ang bibig nila sa usapin sa bigas kahit alam nila na sa kanilang mga bayan ay mas marami ang mga magsasaka kaysa mga negosyante.

Iminungkahi niya na dapat maghanda ang DA at ang pamahalaan ng bilyun-bilyong pondo para ayudahan ang mga lokal na magsasaka at bilhin ang kanilang mga palay.

Ang tinig ni Ginoong Ernesto Subia