CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit 37 million pesos ang halaga ng mga agricultural machinery na ipinasakamay ng Department of Agriculture (DA) region 2 sa ilang irrigators association at kooperatiba sa Isabela bilang bahagi ng Mechanization Program ng pamahalaan.
Ang programa ay kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan para makasabay ang Pilipinas sa mga rice producers ng ibang bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na layunin din ng pamamahagi nila ng mga agricultural machinery na mapababa ang gastusin ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim ng palay at mais.
Puntirya nilang mapataas ang level ng machinery availability ng mga magsasaka sa 60% mula sa kasalukuyang 30% sa buong rehiyon.
Nagbabala ang DA region 2 sa mga kooperatiba na napagkalooban ng mga makinarya na may karapatan ang ahensiya na bawiin kung hindi ito mapapakinabangan ng kanilang mga miyembro.
Tiniyak pa ni Regional Executive Director Edillo na maipapamahagi ang Rice Tariffication incentive ng mga magsasaka sa pagpasok ng dry season at inaasahang matatapos ang pamamahagi nito bago matapos ang taon.
Hinikayat din ng DA region 2 ang National Food Authority (NFA) na maliban sa pagbili ng buffer stock ay kiskisin din ang mga binibilinbg palay at ilabas sa merkado upang magkaroon ng outlet ang mga magsasaka .