CAUAYAN – Tumaas ng mahigit 300 percent ang mga naitalang kaso ng dengue ng Cauayan City District Hospital (CDH) kung ihahambing sa katulad na panahon noong 2018.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Reygie Lopez, Administrative Officer IV ng CDH, sinabi niya na batay sa talaan ng ospital ay umabot na sa 274 ang naitala nilang kaso ng Dengue mula Enero hanggang Hulyo 2019.
Tumaas ito ng 335 percent kumpara sa katulad na panahon noong 2018 na umabot lamang ng 63 ang kaso ng dengue.
Ayon kay Ginoong Lopez, walang pinipiling edad ang mga tinatamaan ng dengue dahil 10 buwan na sanggol ang pinakabata na dinala sa CDH habang 83 anyos ang pinakamatanda.
Sa Cauayan City ay nangunguna ang barangay District 1 sa mga nakapagtala ng maraming nagkasakit ng dengue na umabot sa 20 mula noong Enero 2019.
Kabilang din sa mga barangay na may mataas na kaso ng dengue ang Minante 1, Minante 2, San Fermin, San Francisco, Tagaran, Baculod, Marabulig 1, Maligaya at Nagrumbuan.
Sa kabila ng mataas na kaso ng dengue ay walang naitatala ang CDH na namatay dahil sa naturang sakit.
Ayon kay Ginoong Lopez, nagtalaga na sila ng dengue fast lane upang agad na maisailalim sa pagsusuri at matugunan ang mga suspected case.
Patuloy ang ginagawang health education ng CDH sa mga pasyente upang maiwasan ang nasabing sakit.
Muling nagpaalala ang CDH sa publiko na kapag nakaranas ng lagnat ay agad na magpakonsulta sa doktor upang maiwasan ang mas malalang epekto kung tinamaan ng dengue.