--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi inaasahan ng isang Medical Technologist (MedTech) ngayon ay medical student sa isang pamantasan sa Baguio City na mapasama  sa 12  finalists ng Bombo Music Festival 2020 ang kanyang komposisyon dahil alam niyang magagaling ang mga nakakarating sa finals.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Francis Lazatin Jr., na MedTech sa Tarlac Provincial Hospital, sinabi niya na nang likhain niya ang kanyang kanta na pinamagatang “Kung Gusto Mo Ako” ay kasama niya ang kanyang kasintahan na umawit at nag-interpret sa kanta.

Aniya, ang kanyang girlfriend ang umawit dahil kanta ito ng isang babae sa isang lalaki na nanliligaw sa kanya.

Sinasabi sa kanta na ang panliligaw ay hindi madadaan sa pagbibigay ng kung anu-ano kundi pagpapakita ng tunay na ugali ng isang lalaki para patunayan ang pagmamahal sa kanyang nililigawan.

--Ads--

Ayon kay Ginoong Lazatin, isang linggo nilang ginawa ang kanta na entry sa Bombo Music Festival.

Sumali rin siya sa songwriting competition ng Commission on Human Rights (CHR) noong nakaraang taon at naging second placer gayundin sa isang songwriting competition tungkol sa Panginoon.

Ayon pa kay Ginoong Lazatin, hindi niya inaasahan na mapapasama sa 12 finalists ang kanyang komposisyon dahil alam niyang magagaling ang mga nakakarating sa finals ng Bombo Music Festival subalit hindi siya nawalan ng pag-asa.

Naging libangan na rin niya  ang  paggawa ng kanta subalit kamakailan lamang niya sinubukang sumali sa mga kompetisyon.

Hinikayat niya ang mga mahilig sa musika na huwag nila itong susukuan at lagi lamang mag-ensayo sa paggawa ng kanta para malinang ang kanilang kakayahan.

Ang tinig ni Ginoong Francis Lazatin Jr.