CAUAYAN CITY – Sinampahan ng kasong alarm and scandal at direct assault ang isang lalaki na nag-amok at nagtangkang tumaga sa isa mga pulis na tumugon sa kanyang pagwawala sa Villa Luna, Cauayan City.
Ang kinasuhan ay si Domingo Velasco 48, may-asawa at residente ng naturang barangay.
Ang tinangkang tagain ay ang miyembro ng 4th Platoon ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) na si Patrolman Medel Edward Julian.
Ang mga kapitbahay naman na tinangkang saksakin umano ay sina Josephine Luna 57 anyos, may-asawa; Bella De Pedro, 42 anyos at Cheryl Ann De Luna, 49 anyos, pawang residente ng Villa Luna Cauayan City.
Kasama ni Patrolman Medel Edward Julian 27 anyos na tumugon sina Patrolman Leenard Abad, 23 anyos; John Mark Tasur, 33 anyos, pawang miyembro ng 4th Platoon 2nd IPMFC na nakahimpil sa Villa Luna, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, lumabas sa imbestigasyon na nag-aamok ang suspek sa harapan ng bahay ng mga biktima kayat nagpasaklolo sila sa mga pulis.
Sa pagtugon ng mga pulis ay sinikap nilang pakalmahin si Velasco subalit sa halip na tumigil ay tinangka pa umano niyang sugurin ang mga pulis.
Matapos nito ay pumasok sa loob ng bahay ang suspek at kinuha ang panabas at saka tinangkang tagain si Patrolman Julian.
Nakailag si Patrolman Julian at naaresto ang suspek na kinasuhan sa piskalya.
Makakalaya pansamantala ang suspek kung makakapaglagak ng piyansang Php 30,000.
Samantala, sa panayam naging ng Bombo Radyo Cauayan kay Velasco, sinabi niya na naalala niya ang pagkakabaril sa kanya noon na sanhi ng kanyang sama ng loob at pagwawala.
Itinanggi niya na mayroon siyang mga inundayan ng saksak na kapitbahay at ngunit inamin na tinangkang tagain ang isang pulis nang sapilitang buksan ang pintuan ng kanyang bahay.
Umaasa si Velasco na mapapatawad siya ng kanyang kapitbahay dahil siya lang umano ang inaasahan ng kanyang pamilya.