CAUAYAN CITY– Naging matagumpay ang kauna-unahang 1st Quirino Invitational Wakeboarding Competition na isa sa mga tampok na aktibidad sa pagdiriwang ng 48 Panagdadapun Festival ng Quirino Province.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elmor Villaruel, Executive Assistant ng pamahalaang panlalawigan ng Quirino at chairman ng Wakeboarding Competition Committee, sinabi niya na ang may pinakamaraming nakuhang medalya sa isinagawa nilang invitational wakeboarding competition ay ang Republic Wakepark ng Laguna na may 7 medalya.
Pangalawa ang Quirino Water Sports Complex na may 5 medalya, sumunod ang Pradera at Deca Wakepark ng Clark, Pampanga na may tig-dadalawang medalya at ang Lago de Oro Wake Park ng Batangas at ang CamSur Watersports Complex na may tig-iisang medalya.
Nagtungo rin sa nasabing competition ang pangalawang pinakamagaling sa wakeboarding sa buong mundo na si Raphael Trinidad na tubong Cebu City.
Masayang-masaya aniya ang mga delegado at nagsabing babalik sila sa lalawigan.
Ang pinakabata na sumali ay 14 anyos mula sa Deca Wakepark ng Clark, Pampanga habang ang pinakamatanda ay 40 anyos.
Ayon pa kay Ginoong Villaruel, sa susunod na taon ay magkakaron ng wakeboarding camp ang lalawigan ng Quirino para lalo pang mahasa ang kakayahan ng mga mahilig sa nasabing sports.