CAUAYAN CITY – Patay ang chief tanod ng Furao, Gamu, Isabela matapos malunod sa ilog nang tangkaing iligtas ang dalawang kamag-anak na nalulunod.
Ang biktima ay si Thomas Baquiran, 62 anyos, may-asawa, isang chief tanod at residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Gamu Police Station, nagtungo ang biktima sa tabing-ilog partikular sa quarry site kasama ang kanyang mga kamag anak.
Habang nag-iinuman ay ilang kamag-anak ang nagtungo sa ilog para maligo.
Habang naliligo ay sumigaw ang mga kamag-anak dahil nalulunod ang dalawa nilang kasama kaya sumaklolo si Baquiran ngunit tinangay siya ng malakas na agos ng tubig.
Sa pagsaklolo ng iba pang kamag-anak ay nailigtas ang dalawang nalulunod ngunit bigo silang mailigtas ang chief tanod.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga kamag-anak ni Baquiran kasama ang mga kasapi ng Dart Rescue 831, Gamu Police Station at natagpuan ang katawan ng biktima na dinala sa ospital subalit idineklarang dead on arrival.