CAUAYAN CITY – Puspusan na ang ginagawang rescue operations ng pamahalaang Japan sa mga naapektuhan ng malakas na bagyong Hagibis.
Umabot na sa 33 ang patay, marami ang nawawala sa paghagupit ng malakas na bagyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan,inihayag ni Ginang Renory Reyes Tanaka, tubong Bacoor, Cavite at residente ng Chiba Ken, Japan isa sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Hagibis na maraming bahay ang lubog sa tubig baha at nasa bubungan na ng kanilang bahay ang mga tao.
Ayon kay Ginang Tanaka, masusing tinututukan ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang rescue operations at ang mga ginagamit na ay mga helikopter.
Pangunahin aniyang naapektuhan ng malakas na bagyo at nakaranas ng pagbaha ay ang Tokyo, Ibaraki, Chiba, Gunma, Kanagawa at Fukushima prefectures, Saitama, Sagano at iba pang lugar
Dahil sa malakas ang hangin at pagkakaroon ng pagbaha ay nasira ang mga tulay.
Umapaw ang tubig sa mga ilog at maraming sasakyan ang tinangay ng malakas na agos ng tubig.
Ilang driver ng mga sasakyan ang inanod ng tubig baha at ang ilan sa mga iniligtas ng mga helicopter ay nahulog at hindi na matagpuan.