
CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kasong murder ang magkapatid na suspek sa brutal na pagpatay sa isang partidor sa Turayong, Cauayan City.
Unang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan ang pagpatay kay Felipe Lariosa, 45 anyos, may-asawa at residente ng Amobocan, Cauayan City matapos umanong hampasin ng kahoy at gilitan sa leeg ng magkapatid na suspek na sina Virgo Columbano, 32 anyos, roomboy at Georgie Columbano, 36 anyos, welder at residente ng Turayong, Cauayan City.
Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station na nagkaroon umano ng sagutan ang biktima at mga suspek sa likod ng covered court ng barangay Turayong.
Binato umano ni Lariosa si Virgo kaya nagtulungan ang magkapatid sa paghampas ng kahoy sa kanya kaya’t nawalan siya ng malay.
Umalis umano ang magkapatid na Columbano at nang bumalik ay may hawak nang kitchen knife at nilaslas ang leeg ng biktima.
Bago ito ay nagawa pang tagain ni Lariosa si Georgie Columbano na nagtamo ng sugat sa katawan.
Nadakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang magkapatid na Columbano.
Nakakulong na si Virgo habang nasa hospital arrest si Georgie na nagpapagaling sa isang ospital sa Lunsod ng Ilagan.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Silverio Ramones ng Turayong, Cauayan City, sinabi niya na nagpaalam sa kanya ang biktima na muli siyang maninirahan sa kanilang barangay dahil mas malapit ito sa kanyang trabaho sa slaughter house.
Kinumpirma ni Kapitan Ramones na bata pa lang siya ay magkaaway na ang magkabilang panig.
Aniya, madalas sa pamahalaang barangay ang kampo nina Lariosa at Columbano upang maghain ng kani-kanilang reklamo.
Madalas din umano silang tumugon tuwing nagtatalo ang magkabilang panig dahil sila ay magkapitbahay lamang.
Ayon kay Kapitan Ramones, ilang beses na niyang pinakiusapan ang biktima at mga suspek na iwasan na lamang ang isa’t isa upang hindi magkagulo.
Ito rin ang isang dahilan para lumipat ng tirahan ang pamilya ni Lariosa sa Amobocan, Cauayan City na lugar ng kanyang misis.




