CAUAYAN CITY – Nagliyab na electrical wirings at tumagas na tangke ng diesel ang pinaniniwalaang pinagmulan ng apoy na tumupok sa delivery closed van matapos bumangga sa gutter ng Del Pilar bridge na nasa boundary ng Cauayan City at Alicia, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 1 Jowin Mendoza, investigator Alicia Fire Station, sinabi niya na matapos bumangga ang delivery closed van sa gutter ng tulay ay nasira ang mga wirings sa ilalim ng sasakyan kaya ito nagliyab.
Mabilis na tinupok ng apoy ang sasakyan dahil sa light materials tulad ng mga fibers at styro foam ng freezer van.
Naganap ang insidente dakong 4:40 kaninang madaling araw at naapula dakong alas singko ng madaling araw sa pagtutulungan ng mga bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) Alicia at Cauayan City.
Batay sa imbestigasyon ng BFP, umabot sa higit 60,000 pesos ang mga nasunog na manok na karga ng freezer van bukod pa sa halaga ng natupok na delivery closed van.
Ayon sa tsuper ng freezer van na si Reygie Fernandez, iniwasan niya ang sinusundang sasakyan subalit nawalan siya ng kontrol sa manibela at bumangga sa gutter ng tulay.