
CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ni Mayor Jaime Atayde at ng pamunuan ng Luna Police Station ang pormal nang pagdeklara sa Luna, Isabela bilang drug cleared municipality.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt Jonathan Binayug, hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na dumaan sa masusing evaluation bago inaprubahan ng Regional Oversight Committee ang pagdeklara na sa bayan ng Luna bilang drug cleared municipality.
Ang bayan ng luna ay may 19 na barangay, 14 ang drug cleared at lima ang drug free.
Huling naideklarang drug cleared barangay ang Mambabanga at Dadap, Luna, Isabela matapos ang masusing evaluation ng Regional Oversight Committee.
Ayon kay PCpt Binayug, 108 ang tokhang responders sa bayan ng Luna at nagtapos sila sa Community-based Rehabilitation Program.
Gayunman, hindi ito katiyakan aniya na hindi na babalik sa dating gawain ang mga drug personality.
Tuluy-tuloy ang kanilang pag-monitor sa kanila kahit drug cleared municipality na ang Luna.
Ayon kay PCapt. Binayug, mas mahirap ngayon na naideklara nang drug cleared municipality ang Luna dahil kailangan nilang tiyakin na walang makakapasok na drug personality.
Patuloy koordinasyon nila sa ibang bayan para manomitor ang mga drug personality na puwedeng pumasok sa bayan ng Luna.
Samantala, nagpaalala si Mayor Atayde sa mga barangay officials na hindi ibig sabihin na dahil drug cleared na ang kanilang bayan ay wala nang posibilidad na makapasok ang illegal na droga sa kanilang nasasakupan kaya’t hiniling niya laging bantayan ang kanilang barangay lalo na sa dayuhang nagtutungo sa kanilang lugar.
Tinutukan nila ang rehabilitation sa mga drug surenderers upang maideklarang drug cleared ang bayan Luna.
Nagbigay ang pamahalaang bayan ng Luna ng skills training sa mga tokhang responders.










