
CAUAYAN CITY – Inaresto at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9995 o Anti-photo and video Voyeurism Act of 2009 ang branch manager ng isang malaking kompanya na nagbebenta ng mga motorsiklo dahil sa pagkuha ng larawan habang naliligo ang isa niyang empleado na kasama niyang nakatira sa kanilang staff house.
Naganap dakong 7:45 ng umaga kahapon ang pagkuha ng larawan sa biktima sa kanilang tinitirhang apartment sa Quirino, Solano, Nueva Vizcaya
Ang nagreklamo ay itinago sa pangalang Annie, 24 anyos at kawani ng kilalang kompanya ng mga motorsiklo at residente ng nasabing lugar.
Ang suspek ay itinago rin sa pangalang Lino Ignacio , 45 anyos at branch head ng Solano Branch ng kompanya at tubong Pangasinan.
Lumabas sa imbestigasyon ng Solano Police Station na habang naliligo ang dalaga sa comfort room ng apartment ay napansin niya ang camera ng cellphone na nakatutok sa kanya sa butas ng kisame ng banyo.
Agad niyang tinakpan ang kanyang katawan ng tuwalya at pilit na kinuha ang cellphone ngunit hindi niya naabot kaya tinawag niya ang kanilang branch manager at tinanong kung kanino ang cellphone.
Nang kunin umano ang cellphone ay nakita ng dalaga na ito ang personal na cellphone ng suspek.
Pagkatapos nito ay nakatanggap ng text message ang dalaga na nagsasabing “Cenxa ka na deleted na”.
Sa pagpasok ng biktima sa kanilang opisina ay agad siyang nagpadala sa kanilang main office ng reklamo sa pamamagitan ng email tungkol sa ginawa sa kanya ng kanilang branch manager.
Nagsumbong din siya sa Solano Police Station na agad tmugon at inaresto ang suspek.
Kinumpiska ang kanyang cellphone na ipapadala sa Anti-Cyber Crime Group para sa forensic examination.










