
CAUAYAN CITY – Napatay sa police operation matapos umanong manlaban ang isang magsasaka na number 10 most wanted person provincial level dahil sa mga kasong murder.
Ang napatay na akusado ay si Antonio Garro, magsasaka, dating CAFGU at residente ng San Antonio, Cabagan, Isabela.
Ang operating units ng Philippine National Police ay pinagunahan ng Provincial Intelligence Branch ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Regional Intelligence Division (RID), 1st IPFMC at Cabagan Police Station.
Bago isinagawa ang operasyon ay isinailalim sa surveillance ang pinaghihinalaan sa pagpatay kina Barangay kagawad Balisi ng San Antonio, Cabagan, Isabela noong Hulyo 2019 at Barangay Kapitan Ramento at barangay Kagawad Padre ng Sto Tomas, Isabela noong Agosto 2019.
Narecover sa mga nabanggit na insidente ng mga pagpatay ang mga basyo ng bala ng M16 rifle.
Gumamit ang IPPO ng confidential civilian assets para subaybayan si Garro sa kanilang lugar at nakita siyang may hawak na rifle lalo na sa gabi.
Kahapon ay muling nakita si Garro na may hawak na baril kaya inireport ito sa pulisya ng civilian asset at nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad.
Pagkakita umano ng akusado sa operating troops na papunta sa kanilang bahay ay tumakbo siya sa loob, kinuha ang kanyang baril at pinaputukan ang mga pulis.
Sa pagganti ng mga pulis ay nabaril at napatay si Garro.
Nakumpiska sa bahay ng akusado ang isang M16 Rifle na may mga bala, ilang magazine ng M16, isang bandolier, belt bags, mga bala para sa 9mm, isang magazine ng 9mm na may mga bala, isang tactical short, isang backpack, isang holster, isang cellphone, isang battery pack, at isang tactical flashlight
Isasailalim sa paraffin test ang akusado habang ang mga narecover na baril at bala sa bahay ni Garro ay dadalhin sa sa PNP Crime Laboratory para sa examination.




