
CAUAYAN CITY– Sinampahan ng patung-patong na kaso ang inarestong mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) na sinilbihan ng tatlong mandamiyento de aresto sa bayan ng Diffun, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Victoriano Yarcia, hepe ng Diffun Police Station na ang dinakip ay si Reynaldo Busania alyas Ka Rey, residente ng Magsaysay, Diffun, Quirino.
Nagsagawa ang intelligence unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng case build up at natukoy ang kinaroroonan ng rebelde.
Isinilbi ng mga kasapi ng Diffun Police Station, Quirino Police Provincial Office (QPPO), Crminal Investigation and Detection Group (CIDG) Quirino at mga sundalo ang mandamiyento de aresto na ipinalabas ni Hukom Eufren Changale ng RTC branch 38, Cabarroguis, Quirino sa kasong robbery at serious illegal detention laban kay Busania.
Isinilbi rin ng mga otoridad ang warrant of arrest laban sa NPA leader dahil sa kasong murder with multiple frustrated murder na ipinalabas sa RTC Branch 17 Ilagan City, Isabela bukod sa kasong carnapping na ipinalabas ng RTC branch 28 sa Maddela, Quirino.
Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Busania.
Si alyas Ka Rey ay lider ng Northern Front and Head Communication Regional Organization Department ng NPA.
Sa ngayon ay nangangalap pa ang pulisya ng impormasyon na may kaugnayan sa operasyon ng nasabing rebelde.










