
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagpapakiskis ng National Food Authority (NFA) region 2 ng palay sa kanilang mga bodega para tuluy-tuloy ang kanilang pagbili ng mga aning palay ng mga magsasaka.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Manager Rocky Valdez ng NFA Region 2, sinabi niya na patuloy ang kanilang decongestion para magkaroon ng espasyo sa kanilang mga bodega at patuloy din silang makabili ng aning palay ng mga magsasaka.
Sa nakaraang buwan ng Setyembre at ngayong Oktubre ay umabot na sa 400,000 ang kanilang naipagiling na palay at umaasa sila na bago matapos ang taong ito ay umabot ito ng 800,000 libo.
Inihayag ni Regional Manager Valdez na 50 hanggang 100 bags ang binibili sa bawat magsasaka para mas marami ang kanilang mapagbibigyan.
Nakatakda rin silang magdala ng 500, 000 bags ng bigas sa Kalakhang Maynila dahil doon ang may maraming consumers ngunit nagbebenta rin sila sa Lambak ng Cagayan.










