
CAUAYAN CITY – Naniniwala si Congressman Antonio Albano ng 1st district ng Isabela na malaking tulong kapag naipagpaliban ang Barangay at SK Elections dahil nangangailangan ngayon ang pamahalaan ng malaking pondo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Albano, sinabi niya na naipasa na sa third at final reading ang panukalang pagpapaliban sa barangay at SK Electiond hanggang Disyembre 5, 2022.
Aniya, ipapasakamay nila ito sa Senado sa susunod na linggo dahil kailangan din nila itong aksyunan.
Kung maipasa ang nasabing panukala sa Senado at mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay sigurado na ang pagpapaliban sa Barangay at SK election.
Ayon kay Congressman Albano, hindi magkalayo ang petsa na nakasaad sa version ng Senado tungkol sa nasabing panukala kaya ini-adapt na lamang ito para hindi na sila mahirapan pang maipasa ang panukala.
Malaking tulong aniya kapag naipagpaliban ang barangay at SK election dahil nangangailangan ngayon ang pamahalaan ng malaking pondo.
Ayon kay Congressman Albano, ang matitipid na pera ay maaring magamit sa mga tulong na ibibigay sa mga naging biktima ng lindol sa Mindanao gayundin sa mga magsasakang apektado ng Rice Tarrification Law.










